Palalawigin pa ng India ang ipinatupad na nationwide lockdown noong nakaraang buwan upang pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Una rito, nagsagawa ng video conference si Prime Minister Narendra Modi kasama ang iba pang mga state ministers, at marami sa kanila ang umapela sa gobyerno na pahabain pa ang lockdown.
Ayon kay Delhi Chief Minister Arvind Kejriwal, pumayag naman daw si Modi sa apelang palawigin ang lockdown, na matatapos na sana sa Martes.
“PM has taken (a) correct decision to extend (the) lockdown. Today, India’s position is better than many developed countries because we started lockdown early. If it is stopped now, all gains would be lost,” saad ni Kejriwal sa Twitter.
Sa inilabas namang pahayag ng federal government, binigyang-diin ni Modi sa naturang pulong na magiging kritikal ang paparating na mga araw upang madetermina ang impact ng ipinatupad na mga hakbang upang mapigilan ang virus.
Hindi naman binanggit ng pamahalaan kung kailan ilalabas ang pinal na desisyon sa anumang lockdown extension.
Sa pinakahuling datos, may 8,446 kumpirmadong nagpositibo sa COIVD-19 sa India, kabilang na ang 288 na namatay. (BBC/ Reuters)