-- Advertisements --

Ikinatuwa ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang mabilis na pagbasura sa impeachment complaint laban sa kanya.

Malinaw naman aniya sa naging desisyon ng mga kongresistang lumahok sa pagdinig at botohan ng House Committee on Justice kaninang umaga na walang basehan ang mga alegasyon na ibinabato laban sa kanya.

Pinagtibay lamang din aniya ng Kamara sa desisyon ng komite ang constitutional independence ng judiciary sa pamamagitan nang hindi pagpayag sa pagmamalabis sa mga miyembro nito.

Sa desisyon ng komite, sinabi ni Leonen na nagkaroon lamang ngayon ng precedent na magsisilbing babala sa mga nagbabalak na abusuhin ang impeachment process.

Dagdag pa ni Leonen, hindi ito ang panahon para sirain ang mga institusyon para lamang mapunan ang pagkagahaman sa kapangyarihan ng iilan.

Ang dismissal din aniya sa impeachment complaint laban sa kanya ay paalala na rin sa ilang tao na huwag aksayahin ang oras at resources nilang mga miiyembro ng Hudikatura.

Betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution ang binanggit na grounds ni Cordevilla sa kanyang reklamo laban kay Leonen dahil sa hindi paghahain ng SALN at pag-upo nito sa mga kaso sa kanyang dibidsyon sa Supreme Court gayundin sa mga electoral protest sa House of Representatives Electoral Tribunal kung saan siya tumatayo bilang chairman.