LEGAZPI CITY – Malungkot na bagong taon ang sasalubungin ng isang pamilya sa Brgy. Ligban, Camalig, Albay matapos na mawalan ng ilaw ng tahanan.
Patay sa palo ng kahoy si Leticia Miranda, 60-anyos habang ang suspek mismong panganay na anak nitong si Zaldy, 31-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCMS Marly Gragasin, tagapagsalita ng Camalig PNP, natukoy sa imbestigasyon na hiwalay ang bahay ng suspek na sinasabing may sakit sa pag-iisip subalit dahil sa Pasko, nagdesisyon na magsama-sama ang pamilya at matulog sa iisang bubong.
Kinabukasan, maagang nagising ang pamilya sa nag-aamok na si Zaldy na inaaway ang dalawang nakababatang kapatid na babae.
Dahil hindi maawat, itinago ng ama ang dalawang anak at nagtungo sa barangay para magpatulong habang pinahihinahon naman ni Leticia ang panganay.
Subalit laking panlulumo ng mga rumesponde matapos na abutang wala nang malay ang matanda habang nasa itaas naman ng puno ng cacao ang suspek.
Nagawang maitakbo sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Sumuko rin ang suspek sa mga otoridad habang sinasabing pinaslang ang ina dahil isa umano itong “aswang”.
Samantala, inihahanda na rin ang kaukulang kaso na kakaharapin nito.