-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Ngayong araw ng Miyerkules ang sunod na impeachment hearing ni Vice President Sara Duterte.

Tatalakayin sa pagdinig ang Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN) at bank records kung saan inimbitahan ng House Committee on Justice na dumalo sa pagdinig sina dating Senador Antonio Trillanes IV, AMLC Chairman Eli Remolona Jr. at Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Kaugnay nito, sinabi ni Kabataan Partylist Representative Atty. Renee Co na kaabang-abang ang nasabing pagdinig dahil makikita na ang bank records ng Pangalawang Pangulo at mga kinita nito hindi lamang sa panahon ng kaniyang pagiging Bise Presidente kundi maging nang siya ay alkalde pa ng Davao City.

Ngunit, hindi pa aniya tiyak kung dadalo si VP Sara sa ikalawang pagdinig ng kaniyang impeachment.

Iginiit ng mambabatas na may pananagutan ang opisyal at kailangan na marinig ang kaniyang boses kaugnay sa P125 milyon na confidential fund na ginastos sa loob lamang ng 11 araw.

Hinikayat rin ng kongresista ang publiko na makibahagi at makinig sa nakatakdang pagdinig ngayong araw.