Nagtungo sa Kamara si Atty. Larry Gadon nitong umaga para maghain ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Kasama ni Gadon na pumunta sa opisina ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang tumatayong complainant na si Edwin Cordevilla, ang Secretary General ng Filipino League of Advocates For Good Government (FLAGG).

Si Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba naman ang nag-endorso ng impeachment complaint.

Nakasaad sa 41-pahinang impeachment complaint laban kay Leonen ang umano’y “culpable violation of the Constitution” at “betrayal of public trust” nito.

Ito ay dahil sa bigo raw si Leonen na makapaghain ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) sa loob ng 15 taon mula sa 22 taon niya sa University of the Philippines, na maituturing na paglabag sa Section 17, Article 11 ng 1987 Constitution.

Bukod dito, naging “negligent and incompetent” din umano si Leonen dahil sa hindi nito pag-dispose o pagresolba sa 37 kaso sa Korte Suprema sa loob ng 24 buwan magmula nang maisumite ito.

Nilabag din umano ni Leonen ang Saligang Batas dahil sa “arbitrarily, willfully, intentionally, [and] deliberately” nitong pinatatagal ang pagresolba sa 21 election protests at 13 quo warranto cases, na pending sa House of Representatives Electoral Tribunal kung saan umuupo ito bilang chairperson.

“Respondent failed to consider the implications of these prolonged delays in the lives of the litigants. He should know that when justice is delayed to a fault, uncertainty in the litigants lingers, thereby diminishing trust and confidence in the Court,” ani Cordevilla.

Tinukoy din ni Cordevilla na noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay naging bias at pinapaburan umano ni Leonen ang Liberal Party sa lahat ng mga kasong kinaharap ng mga ito.

Pero nang maupo na si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Cordevila, lahat tinutulan o hindi sinang-ayunan ni Leonen sa mga kaso kung saan karamihan sa mga SC justices ay bumoto ng pabor sa administrasyon.

Sa ilalim ng Impeachment Rules kailangang mayroong kongresista na mag-endorso ng impeachment complaint bago ito madala sa Committee on Rules ng Kamara para maisalang sa unang pagbasa at i-refer sa Committee on Justice.

Ang komite ang didinig sa impeachment complaint, kung saan maghaharap ng testigo at ebidensya ang complainant at respondent.

Sa oras na mapatunayang guilty sa komite, iaakyat ito sa plenaryo upang aprubahan saka naman dadalhin sa Senado, na tatayong Impeachment Court.

Si Leonen ay maari lamang maalis sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment bilang isa itong Supreme Court Justice base na rin sa ilalim ng 1987 Constitution.

Matatandaan na si Gadon din ang siyang naghain ng reklamong impeachment laban kay dating Chief Justice Ma Lourdes Sereno na napatalsik naman dahil sa quo warranto ng Supreme Court.