-- Advertisements --

Itinalaga ni Pope Leo XIV si Brother Armin Luistro, dating kalihim ng Department of Education at kasalukuyang miyembro ng De La Salle Brothers, bilang bahagi ng Dicastery for Institutes of Consecrated Life and Societies of Apostolic Life sa Vatican.

Kinumpirma ang kanyang pagkakatalaga sa press bulletin ng Vatican noong Martes, Hunyo 24. Ayon sa La Salle Global, ang hakbang na ito ay isang malinaw na tanda ng “synodal path” na tinatahak ng mga Lasalyano kasama ang Simbahan.

Ang Dicastery ay may tungkuling isulong at pangasiwaan ang mga kongregasyong panrelihiyon at mga sekular na institusyon na namumuhay ayon sa evangelical counsels sa loob ng Simbahang Katolika.

Si Luistro ang kauna-unahang Asyanong superior general ng Lasallian Brothers, isang lay religious congregation na itinatag sa France at ngayon ay may opisina sa Rome.

Inaasahang magiging mahalagang ambag ang pagkakatalaga kay Luistro sa pagpapatibay ng consecrated life sa loob ng Simbahan sa buong mundo.