Magsasagawa ang National Council on Disability Affairs (NCDA) katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng pilot testing ng unified identification (ID) cards para sa mga persons with disabilities (PWDs) sa 35 lugar sa buong bansa.
Ayon kay National Council on Disability Affairs Executive Director Glenda Relova, sasailalim sa pilot testing ang 200,000 PWDs na inaasahang makakagamit ng bagong ID cards pagsapit ng Hulyo.
Dagdag pa niya, natukoy na nila ang 35 lugar sa buong bansa na magsisilbing pilot areas para sa implementasyon ng unified ID system. Kabilang sa mga lugar na ito ang: Parang, Maguindanao mula sa Bangsamoro; Dagupan City, San Carlos City, Urdaneta City, at Alaminos City sa Pangasinan; Solano, Nueva Vizcaya; halos lahat ng bayan sa Bulacan; Cainta, San Mateo, Santa Rosa, Teresa, at Antipolo City sa lalawigan ng Rizal; Carmona, Cavite; Pila, Laguna; Daet, Camarines Norte; Kalibo, Aklan; Candijay, Bohol; Malaybalay, Bukidnon; Koronadal City at Surallah sa South Cotabato; at ang mga lungsod ng Pasay at Muntinlupa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Director Relova, ang mga pisikal na ID ay magiging RFID na magkakaroon ng mahigpit na seguridad at maaari rin na gamitin offline.
Samantala, ang digital ID ay maaaring ma-access sa pamamagitan ng mobile app o web portal, na may mga feature gaya ng QR codes para sa mabilisang beripikasyon.
Dagdag pa ni Relova, ang aplikasyon, beripikasyon, at pag-apruba ng unified ID ay isasagawa pa rin sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa kanilang mga Persons with Disability Affairs Office (PDAO).
Ang DSWD naman ang mamumuno sa centralized printing at disenyo ng unified ID.