Umabot na sa mahigit 2.5 milyong Pilipino ang rehistradong persons with disability (PWDs) sa bansa, ayon sa National Council for Disability Affairs (NCDA), batay sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Hunyo 17.
Ang bilang ay tumaas ng 35% mula sa 1.8 milyon na naitala noong Hunyo 2024.
Pinakamalaki ang porsyento ng mga may pisikal na kapansanan na umabot sa 827,189, habang kabilang naman sa tinatawag na invisible disabilities ang Speech impairment na may bilang na 335,763; Psychosocial disability (314,210); Visual disability (251,302); Mental disability (152,762); Intellectual disability (137,491); Deaf/hard of hearing (129,021); Cancer (110,880); Learning disability (102,623), at Rare disease (49,112).
Ayon sa DOH, lahat ng 17 rehiyon sa bansa ay nakapagtala ng pagtaas sa bilang ng PWDs sa pagitan ng 2024 at 2025.
Una nang ipinapaliwanag ng mga awtoridad na ang pagtaas ay bunga ng mas pinahusay na reporting systems at mas accessible na serbisyo sa kalusugan mula sa mga lokal na pamahalaan, na tumulong sa mas maagang pagtukoy ng mga kaso ng kapansanan sa bansa.