CEBU CITY – Inilarawan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group-7 (IMEG-7) na mahina ang magiging takbo ng imbestigasyon hinggil sa sinibak na mga police officers ng Sawang Calero Police Station sa lungsod ng Cebu.
Kaugnay ito sa pagpaslang sa reklamanteng si Ritchie Nepomuceno kagabi sa Brgy. Basak Pardo sa nasabing lungsod at sinundan ito kinalaunan ng pagpapakamatay umano ng isa sa nirereklamong si Police Staff Sgt. Celso Colita sa loob ng PRO-7 headquarters.
Ayon kay IMEG-7 Chief Police Major Alejandro Batobalonos na si Nepomuceno ay ang kanilang prime witness laban sa 11 mga police officers ng nasabing presinto hinggil sa umanoy panggagahasa at pangingikil sa kanya.
Kaya naman ipinaubaya ni Batobalonos ang takbo ng imbestigasyon sa Cebu Provincial Prosecutor’s Office ngayong inihain ang kasong kriminal at administratiba laban sa mga sinibak na pulis.
Samantala, isinalaysay ni Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU)-7 chief Police Major Glenn Hife ang huling sandali bago natagpuang duguan ang katawan ni Colita sa loob ng opisina.
Ayon kay Hife na tahimik at nanghina umano si Colita nang ipinaalam nito ang sinapit ng reklamanteng si Nepomuceno.
Pumasok aniya ang sinibak na opisyal sa kubeta at kinalaunan ay tumambad sa kanila ang nakahandusay na si Colita kung saan may tama ng bala sa kanyang ulo.
Nilinaw naman agad ni Hife na kinuha nila ang mga pulis na pinagmamay-ari ng mga sinibak na opisyal nang kinustodiya sila sa PNP Holding and Accounting Unit.
Inaalam pa ngayon ng mga imbestigador ang mga anggulo at koneksyon hinggil sa dalawang magkaibang krimen kagabi.