ILOILO CITY – Inaasahang darating na bukas, March 25, ang 500 test kits sa Iloilo na donasyon ni former Iloilo 4th District rep. at Dr. Ferjenel Biron mula sa South Korea.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lemuel Fernandez, kinatawan ng Endure Medical na kompaniya na pagmamay-ari ni Biron, sinabi nito na kung darating na ang Seegene COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) PCR-base testing kits, ibibigay ito sa Western Visayas Medical Center sa Mandurriao.

Ayon sa kanya, mahirap sa ngayon ang pag-order ng mga test kits sa South Korea dahil kumukuha rin ng suplay ang mga European countries doon.

Nagbigay din ng personal protective equipment (PPE) ang pamilya Biron sa Iloilo Provincial Government kung saan 20,000 ang surgical masks, 15,000 head covers at 2,000 na N95 masks.

Ang mga nasabing equipment ay ibibigay sa mga bayan sa lalawigan ng Iloilo.