-- Advertisements --

Nangako si Iloilo 1st District Representative Janette Garin na mananagot ang mga responsable sa nangyaring blackout sa Panay Island.

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang House Committee on Energy hinggil sa malawakang pagkawala ng kuryente.

Binigyang-diin ni Rep. Garin na dapat talaga imbestigahan kung bakit nangyayari ang malawakang blackout at dapat managot ang mga may pananagutan.

“Adding insult to injury is the constant finger pointing between NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) and the power generators. Ang mahal mahal na nga ng kuryente, hindi mo naman maramdaman yung quality of service,” dagdag pa ni Garin.

Samantala, ibinunyag naman ni Garin na nakatanggap siya ng ulat na marami sa mga kababayan nito sa Iloilo ang nagkasakit dahil sa matinding init dahil sa kawalan ng kuryente sa Western Visayas.

Inihayag ng Lady lawmaker na hindi lamang ang Iloilo ang apektado sa brownout kundi ang buong Pilipinas dahil ang lahat ay nag-aambag sa ekonomiya ng bansa.

Iginiit pa ng mambabatas na nakaapekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga mangingisda at output-based work force ang pagkawala ng kuryente sa rehiyon.

Ipinunto rin ni Garin na kulang ang mga generation sets sa mga ospital para punan ang pangangailan sa kuryente.

Binanggit naman ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang datos mula sa Local Economic Development and Investment Promotion Office (LEDIPO), kung saan sinabi nito na aabot sa P400 milyon hanggang P500 milyon kada araw ang nawawalang kita dahil sa nangyaring power interruptions, na umaabot sa P1.5 bilyon sa ikatlong araw ng blackout.