LAOAG CITY – Nakaalerto ang Ilocos Norte Police Provincial Office sa mga kilos-protesta na gaganapin kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Martial Law sa bansa ngayong Linggo, Setyembre 21.
Ayon kay P/Lt.Col. Michael Bautista, tagapagsalita ng Ilocos Norte Police Provincial Office, ipapakalat ang mga tauhan ng pulisya sa lugar kung saan gaganapin ang kilos-protesta kabilang ang Ilocos Norte Police Provincial Office, 1st Provincial Mobile Force Company at iba pang City and Municipal Police Stations.
Aniya, pinapayagan ang kilos protesta sa Aurora Park dahil ito ay kinokonsiderang Freedom Park.
Karapatan aniya ng sinumang mamamayan na lumahok sa kilusang protesta upang ipahayag ang kanilang mga hinaing at panawagan sa gobyerno lalo na laban sa tumitinding katiwalian sa bansa.
Aniya, hindi magdadalawang-isip ang mga pulis na pigilan sila sakaling magkaroon ng pinsala o kaguluhan habang isinasagawa ang kilos-protesta.
Kaugnay rito, may isasagawa ring zumba sessions, mini concert at maging ang medical mission para sa mga mamamayan.
Una rito, sinabi ni Ms. Angel Galimba, pinuno ng Kabataan Partylist Ilocos na magsasagawa sila ng kilos protesta na dadaluhan ng mga magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang organisasyon, United Church of Christ in the Philippines, Roman Catholic kabilang ang mga kabataan.