-- Advertisements --

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na totoo ang isinumbong sa kanya ni PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) director-general Aaron Aquino kaugnay sa pagre-recycle ng mga pulis sa nakukumpiskang iligal na droga para ibenta at pagkakitaan.

Ayon kay Pangulong Duterte, sinabi ni Aquino na kailangan nito ng ebidensya kaya sundan lamang muna nila ang mga sangkot na pulis sa iligal na aktibidad.

“Well, I have to have evidence. Kaya nga sabi ko sundan na lang muna ninyo,” ani Pangulong Duterte.

Batay aniya sa kanyang pagkakaalam, halimbawa ay nakakakumpiska ang mga pulis ng 20 kilong shabu, nasa 10 kilo na lamang ang ire-report nila tapos may matatanggap pa silang award dahil sa illegal drugs operation.

Inihayag ni Pangulong Duterte na sa kasalukuyang set-up ng gobyerno, sa dami ng mga restriction at sa Bill of Rights, hindi ganoon kadali para maipakulong o tanggalin sa puwesto ang sangkot na pulis dahil kailangan itong isailalim sa due process at imbestigasyon para mapakinggan ang kanyang panig.

Pero pakonti-konti hanggang matapos ang kanyang termino, ipinapangako nitong mababawasan din ang ganitong kalakaran at sakit sa ulo.

“Yan ang — hindi naman talagang outright. Pero ‘yung mahuli nila, for example 20 kilos, ang i-report na lang niyan 10 kilos. Tapos may award pa ‘yan sila. Tapos ‘yung iba i-recycle, ipagbili nila. Marami ‘yan. And it’s so prevalent. I’d — with the present setup of government, hindi mo makuha ‘to. You know, you just cannot fire him, for due process, right to be heard, investigation. Talo talaga ang gobyerno sa totoo lang,” ani Pangulong Duterte.

Samantala, hinamon ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang PDEA na habulin ang mga pulis na nagre-recycle ng iligal na droga.

Sinabi ni Biazon na ang pahayag ng PDEA director patungkol dito ay nagpapakita lamang na talamak ang gawain na ito ng ilang tiwaling pulis.

Matagal na aniyang usap-usapan ito kaya mahalaga ring matukoy kung gaano kalawak ang recylcing at sino-sinong mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang dawit dito.

Dahil dito, umaapela ang kongresista sa PDEA na habulin at panagutin ang mga pulis na dawit sa usapin na ito.

Iginiit ni Biazon na ang PDEA ang nasa posisyon para buwagin ang drug trafficking sa loob ng PNP. (with report from Bombo Dave Pasit)