-- Advertisements --

Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang Philippine Offshore Gaming Operations o POGO hub sa isang residential area sa Davao City.

Sa ikinasang operasyon ng NBI – Southern Mindanao Regional Office XI, sa pamumuno ni Regional Dir. Atty. Arcelito Albao, matagumpay naipasara ang naturang ilegal na POGO hub.

Isinagawa ang naturang operasyon kasunod ng magreklamo ang isang ‘homeowner’ sa kahinahinalang aktibidad sa loob ng kanilang subdivision.

Sa pagmamanman ng mga otoridad, nakumpirma ang presensya at ilegal na gawain sa naturang lugar.

Dito na sinalakay ng NBI ang POGO hub at naaresto ang walong (8) Chinese nationals habang nasabat naman ang ilang computer, at mobile phones na gamit sa gaming operations.

Ayon sa opisyal na pahayag ng NBI, dito anila napansin ang ‘pattern’ sa mga aktibidad ng ilegal na POGO kung saa’y naghiwahiwalay na ang mga ito sa mga maliliit na grupo.

Nagpapapalit-palit rin daw sila ng lokasyon upang maiwasan na matukoy kung nasaan ang pinaroroonan kaya’t ayon sa kawanihan ay mahalagang maging mapagmatyag ang mga komunidad sa bansa.

Hinimok ng NBI Region XI ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang anumang ‘suspicious activities’ na mapapansin sa kani-kanilang mga lugar.

Anila, ito ay upang tuluyan ng mahinto ang naturang ilegal na operasyon kasama pati ang money laundering, cybercrime at human trafficking.