-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Justice Spokesperson Mico Clavano na pirmado na ni Secretary Jesus Crispin Remulla ang Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO para sa initial batch ng mga sangkot sa isyu ng flood control projects. 

Ayon sa naturang tagapagsalita, pinirmahan na ng kalihim partikular ang ‘request letter for issuance’ ni Senator Rodante Marcoleta ng Senate Blue Ribbon Committee.

Habang ang hiling naman ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon at iba pa ay siyang inaasahang pipirmahan na rin ngayong araw ng Huwebes. 

Kabilang sa mga ipinag-utos na maisyuhan at isailalim sa ‘travel monitoring’ ay ang ilang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga kontratista. 

Kaya’t sa naturang aksyon ay pabor maging ang Commissioner ng Bureau of Customs na si Ariel Nepomuceno. 

Habang sa naging pagtatanong naman ng Bombo Radyo sa kanya ukol sa ‘luxury cars’ ng pamilya Discaya, ibinahagi ng commissioner na sila’y sisingilin lamang sa kulang na binayarang halaga ng buwis. 

Ngunit aniya’y posible rin kumpiskahin ito ng pamahalaan  sakaling matuklasan bigong tuparin at sundin ang panuntunan nakasaad sa batas. 

Samantala, maari aniya itong humantong sa pagkakakulong kung lumabas sa imbestigasyon na dinaya  ang deklarasyon sa kung anong klaseng sasakyan ang pagmamay-ari.