TACLOBAN CITY – Hindi mapigilang mabahala’t matakot ng mga residente sa Northern Samar na sa ngayo’y hindi pa lubusang nakakabangon sa pananalasa ng Bagyong Tisoy noong nakaraang mga linggo, dahil sa nagbabadya namang Bagyong Ursula na inaasahang magla-landfall sa Eastern Visayas.
Ayon kay Rei Josiah Echano, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Northern Samar, sa ngayon ay lubhang nahihirapan pa rin ang mga residente sa kanilang lugar lalo na ang mga nawalan ng bahay at ari-arian.
Sa ngayon diumano ay aabot pa sa mahigit 100 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers dahil sa nakaraang Bagyong Tisoy na tumagal ng mahigit 10 oras sa kanilang probinsya.
Dagdag pa nito, hanggang ngayon ay trauma pa rin sila sa naidulot ng nasabing bagyo kung kaya’t hindi nila magawang magsaya ngayong sumabay pa sa kapaskuhan ang Bagyong Ursula.
Sa ngayon ay patuloy din ang preparasyon ng buong probinsya sa inaasahang direktang pagtama ng bagyo at inabisuhan na ang mga residente lalo na ang mga naninirahan sa coastal areas na lumika at bawal muna magpalaot.