-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Health (DOH) ng ilang “Kalsada Tips” para sa mga motorista at pedestrian upang manatiling ligtas tuwing umuulan na nagdudulot ng pagbaha sa mga kalsada sa gitna ng pananalasa ng bagyong Tino.

Paalala ng ahensiya na tuwing umuulan huwag kalimutang maging alerto sa daan.

Sa mga motorista, dapat na i-check ang Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air (tires), Gas, Engine, Tires, at Self (Blowbagets), huwag piliting ilusong ang sasakyan sa baha, huwag magmadali, huwag gamitin ang hazard lights habang umaandar, panatilihin ang distansiya at iwasan ang tailgating, at buksan ang headlight kung madilim.

Sa mga pedestrian naman, upang manatiling ligtas mula sa road traffic injuries kapag nasa labas, alamin muna ang flood alerts bago umalis ng bahay, gumamit ng bota, payong at kapote, iwasan ang baha dahil posibleng may butas sa daan, lumayo sa poste, electrical wires at exposed na kable at tumawid sa tamang tawiran at unahin ang kaligtasan kesa sa lakad.

Samantala, kapag kailangan ng tulong maaaring tumawag sa National Emergency Hotline na 911 o local emergency hotlines.