Nagkasundo ang Senate at House contingent para sa bicameral conference committee ng Bayanihan to Recover as One Bill o Bayanihan 2 na plantsahin na ang hindi magkakatugmang punto ng kani-kanilang version.
Ayon kay Senate finance committee chairman Sen. Sonny Angara, kasama sa kanilang hinamay ay inaprubahan ang pagkakaloob ng P15,000 sa mga health workers na nagpopositibo sa virus, habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin.
Bukod pa ito sa ibinibigay na ayuda kapag malala ang inabot ng isang medical frontliner at maging sa ipinagkakaloob na P1 million para sa naiiwang pamilya ng mga binabawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Maliban dito, sasakupin din ng pondo mula sa Bayanihan 2 ang COVID-19 testing, subsidies at assistance, pati na ang loan condonation para sa agrarian reform beneficiaries.
Magkakaroon na rin ng one-time cash assistance para sa mga guro, teaching personnel, non-teaching personnel sa mga pribadong paaralan at part-time faculty members ng State Universities and Colleges.
Pero ang kwalipikado lamang dito ay ang mga walang nakuhang assistance sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Isinagawa lamang ang bicam sa pamamagitan ng virtual conference, bilang pag-iingat ngayong may COVID-19 pandemic.
Ang mataas na kapulungan ng Kongreso ay nag-apruba ng P140-billion, samantalang ang House of Representatives ay nag-apruba ng P162-billion para sa naturang bill.
Nakibahagi sa pulong para sa panig ng Senado sina Sens. Christopher Lawrence “Bong” Go, Grace Poe, Pia Cayetano, Imee Marcos, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Habang sa Kamara ay sina Deputy Speakers LRay Villafuerte, Raneo Abu, Assistant Minority Leader Stella Quimbo, Reps. Eric Yap, Sharky Palma, Teodorico Haresco at iba pa.















