LAOAG CITY – Ilang Pilipinong nagtatrabaho malapit sa Cambodia-Thailand border ang inilikas dahil sa lumalalang bakbakan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Toto Cadapan mula sa Thailand, ilang mga Pilipino ang pansamantalang tumuloy sa kanilang mga kaibigan habang ang iba ay nagtungo sa mga shelter na ibinigay ng gobyerno.
Aniya, nasa 200,000 indibidwal na ang inilikas mula sa Cambodia-Thailand border kasama na rito ang ilang mga Pilipino.
Nakikipag-ugnayan aniya ang embahada ng Pilipinas sa Migrant Workers Office sa Thailand para matiyak na ligtas at malayo ang mga Pilipino sa nangyayaring kaguluhan.
Sinabi niya na halos 200 mga guro sa 600 mga paaralan na malapit sa labanan sa pagitan ng dalawang bansa ay pangunahing naapektuhan ng pagpapalitan ng mga airstrike at rockets.
Kaugnay nito, sinabi ni Cadapan na sa kabila ng lumalalang sitwasyon sa Thailand, mas pinili pa rin ng ilang Pilipino na manatili kaysa bumalik dito sa Pilipinas.
Samantala, mahigit 40 ang naitalang namatay sa dalawang bansa at mahigit 300,000 sibilyan ang kasalukuyang nasa temporary evacuation.















