CAGAYAN DE ORO CITY – Magkahalong saya at kaba ang nararamdaman ng mga naiwang mga pamilya ng 58 mga biktima sa malagim na masaker na itinuring na kagagawan ng pamilya Ampatuan sa Maguindanao, mahigit 10 taon na ang nakalipas.
Ito ay kaugnay sa nakatakdang pagpapalabas ng promulgasyon sa multiple murder case sa sala ni Quezon City RTC Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes laban sa mga akusado bukas simula ng alas-9:00 ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng dating tagapagsalita ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque na abogado ng 19 na pamilya ng masaker, umaasa sila na mapapatawan ng conviction verdict ang lahat ng 109 akusado na pinangungunahan ng magkapatid na Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan.
Sinabi ni Roque na walang iba na hinangad ang mga pamilya ng mga namatayan kung hindi ay makuha ang matamis na hustisya laban sa mga pumatay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Dagdag pa nito, hinahangad ng mga pamilya na sana ay maging malaking pamasko para sa kanila kung lahat mapapatawan ng guilty verdict mula sa sala ni Judge Reyes.
Inihayag pa ng abogado na bago sila tutungo sa korte ay magtitipon muna sila ng mga kaanak ng mga namatayan saka sabay-sabay na sa pagpunta sa korte sa Taguig City sa Camp Bagong Diwa.