Ipinahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ilang paliparan sa Bicol Region, kabilang ang Virac Airport sa Catanduanes at Bicol International Airport sa Albay, ay pansamantalang suspendido ang operasyon dahil sa hagupit ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa CAAP, nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 5 ang Virac, kaya’t isinara na ang operasyon ng paliparan para sa kaligtasan. Wala namang naiulat na stranded na pasahero.
Samantala sa Bicol International Airport sa Daraga, Albay na nasa ilalim ng Signal No. 3, apat na pasahero naman ang na-accommodate matapos kanselahin ang mga biyahe.
Habang sa Naga Airport sa Camarines Sur (Signal No. 4), itinaas na sa red alert status ang lahat ng security personnel habang patuloy ang malakas na ulan at hangin.
Ilang evacuees at sundalo mula sa 9th Infantry Division ng Philippine Army ang pansamantalang nagsilbing evacuees sa loob ng paliparan.
Sa Masbate Airport, walang nakatakdang flight operations ngayong araw, ngunit nananatiling ligtas at walang pinsala ang mga pasilidad sa kabila ng masamang panahon.
















