-- Advertisements --

Ramdam na ang nakaambang pananalasa ng Bagyong Quinta sa ilang bahagi ng Bicol Region.

Katunayan sa report ng Bombo Radyo Naga, kaniya-kaniya na ang isinasagawang paghahanda ng mga Local Government Unit (LGU) ng Camarines Sur para sa nasabing bagyo.

Una nang nagpalabas ng kautusan si Governor Migz Villafuerte hinggil sa pagpatupad ng preemptive at force evacuation ngayong araw sa mga lugar na nasa high risk area sa probinsiya hanggang alas-5:00 ng hapon ngayong araw.

Nasa 532 na ang pamilyang apektado ng bagyo sa Bicol Region na kasalukuyan nang nananatili sa mga evacuation centers.

Samantala, sumampa na sa 680 ang kabuuang bilang ng mga pasahero na naantala ang biyahe sa iba’t ibang pantalan ng Bicol dahil kay “Quinta.”

Sa report ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa tala ng Coast Guard District (CGD) Bicol, dakong alas-12:00 ng tanghali, nasa 288 na truck at 14 na light vehicles ang pinigilan munang tumawid sa dagat.

Pinakamaraming naitalang naantalang sasakyan sa Matnog Port sa Sorsogon na umabot sa 246 na trucks at pitong light vehicles.

Ito’y sa kabila ng una nang abiso ng Office of the Civil Defense Bicol na pansamantalang pagsuspinde sa land travel ng mga patungong Visayas at Mindanao habang nagbaba rin ng kaugnay na abiso ang Land Transportation Office.

Limang barko rin ang stranded sa mga pantalan habang 32 naman ang nag-take shelter.

Nabatid na sa pagtaya ng PAGASA, Linggo ng hapon hanggang gabi inaasahang direktang tatama ang Bagyong Quinta.