-- Advertisements --

Hindi baba sa 10 electric cooperatives (ECs) noong 2024 ang naiulat na mababa ang residential power rates kumpara sa Manila Electric Co. (Meralco), ang pinakamalaking power distributor sa bansa ayon sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (Philreca).

Batay kasi sa datos ng Philreca, ang average rate ng Meralco ay nasa P12.1683/kWh, samantalang ang singil ng ilang kooperatiba ay umaabot mula P9.4808 hanggang P12.1161/kWh.

Katulad nito ang Pampanga I Electric Cooperative, Inc. (Pelco I) na may pinakamababang rate na umaabot sa P9.4808/kWh.

Kabilang pa sa iba pang ECs na may mas mababang singil ng kuryente ang Pelco II at III, First Laguna Electric Cooperative, Batangas I at II, Quezon I at II, at Misamis Oriental I at II.

Ayon kay Philreca Rep. Presley De Jesus, kahit na maliit ang mga kooperatiba, napatunayan daw ng mga ito na magbigay ng mas abot-kayang kuryente para sa mga residente sa lugar.

Sinabi rin ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Almeda na dapat kilalanin ang kontribusyon ng ECs sa pagbibigay ng mas murang serbisyo.

Noong Hulyo, nagtaas ng 49 sentimos/kWh ang Meralco, kaya umabot na sa P12.6435/kWh ang singil sa isang pang-karaniwang bahay.