Ilang mambabatas na nag over the bakod sa panahon ng house Speakership row sa pagitan nina dating house speaker Alan Peter Cayetano at kasalukuyang speaker Lord Allan Velasco ang nawalan ng puwesto.

Isa rito si AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin na dating kaalyado ni Cayetano pero lumipat kay Velasco.

Si Garin ay dating Chairman ng House Committee on Economic Affairs pero natanggal sa pwesto.

Batay sa ulat, nais umano nitong makuha sana ang House Ways and Means Committee pero ito ay inuukopa ni Albay Rep Joey Salceda.

Naging matunog ang pangalan ni Garin nitong mga nakalipas na linggo matapos itong maiugnay na dahilan umano ng pagdistansya ni Davao City Cong Paolo Duterte sa majority at pagbibitiw bilang Chairman mg House Committee on Accounts.

Sinubukan nating kuhanan ng pahayag si Garin sa isyu pero hindi ito nagkomento.

Ang iginiit lang nito, hindi aniya nila kinuwestiyon ang pagkakatalaga kay Cong. Pulong bilang pinuno ng Committee on Accounts.

Kapansin pansin naman ang hindi pagkakasama ni Garin sa House contingent para sa Bicam sa 2021 budget gayong noong nakaraang taon ay kabilang ito sa kinatawan ng Kamara sa Bicam.