Muling iginiit ng House of Representataives na hindi dapat sila sisihin sa pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito’y kasunod ng mga pahayag ng tagapagsalita ng Senate impeachment court na umano’y nagdulot ng kalituhan sa publiko kaugnay ng ‘’procedural matter’.
Binatikos ni Abante si Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng impeachment court ng Senado, sa umano’y pagtatangkang lituhin ang publiko at ipasa sa Kamara ang sisi sa matagal nang pagkaantala ng paglilitis.
Pinuna ni Abante si Tongol sa paggamit ng isang isyung teknikal ang entry of appearance mula sa mga abogado ni Duterte na walang label at pamagat bilang diumano’y dahilan ng pagkaantala.
Paliwanag ni Abante na mukha kasing gustong gamitin ng spokesperson ng impeachment court na dahilan ‘yung pag-serve ng entry of appearance na walang label at titulo ng ipadala ito sa House of Representatives.
Iginiit ni Abante walang obligasyon ang Kamara na umaksyon sa nasabing entry of appearance at hindi ito requirement para masimulan ang impeachment trial.
Hinimok ni Abante ang impeachment court ng Senado na tigilan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon at huwag gamitin ang isang clerical detail bilang dahilan para ituro sa iba ang pananagutan.
Binigyang-diin ni Abante na handa na ang prosecution panel ng Kamara at patuloy itong naghahanda upang maipresenta ang ebidensya sa impeachment court ng Senado.
Naipasa na ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment noong unang bahagi ng Pebrero matapos bumoto ang 215 na mambabatas pabor sa impeachment ni VP Duterte dahil sa culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang mga dahilan.
Makalipas ang halos limang buwan, wala pa ring aksyon ang Senado sa impeachment case.
Muling iginiit ni Abante na natapos na ng Kamara ang bahagi nito at nasa Senado na ngayon ang tungkulin na umusad, nang hindi nagtuturo ng panibagong isyung teknikal upang makaiwas sa pananagutan.