-- Advertisements --

CEBU CITY – Ina-assess na ng Cebu City Disaster and Risk Reduction Management Office (CCDRRMO) ang malawakang pagbaha kagabi sa ilang mga lugar sa Lungsod ng Cebu dahil sa lakas ng ulan.

Sa pag-iikot ng Bombo patrol, hindi na makadaan ang ilang mga kalsada at mga barangay sa lungsod dahil sa taas ng lebel ng tubig-baha na dala ng local thunderstorm.

Napag-alamang nasira ang ilang mga sasakyang naka-park sa General Maxilom Avenue matapos na umabot hanggang sa bewang ang pagbaha.

Naiulat din ng CDRRMO na hinahanap pa rin ng mga responding officers ang dalawang mga nawawala mula sa Barangay Kamputhaw at Barangay Lahug.

Samantala, nasa 257 na residente mula sa Barangay Pulangbato sa kaparehong lungsod ang inilikas sa isang paaralan matapos na maapektuhan ng malawak na pagbaha.

Nagbigay agad naman ng tulong si Mayor Edgardo Labella sa daan-daang mga residente kung saan namamalagi sila sa Pulangbato Elementary School.

Nakikipag-ugnayan na rin ang CDRRMO sa mga barangay officials upang makapagbigay ng assessment matapos ang malawakang pagbaha na dala ng malakas na pag-ulan.