Ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang umano’y paglabas ng ilang mga indibidwal na may impormasyon ukol sa umano’y kuropsyon sa mga flood control project.
Ito ay kasabay ng panawagang magkaroon ng independent body investigation sa mga flood control infrastructure na una nang pinuna ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y palpak na pagkakagawa ng mga ito.
Ayon kay Magalong, nakipag-ugnayan na sa kaniya ang ilang indibidwal na may hawak na impormasyon at ebidensiya ukol sa umano’y nangyayaring korupsyon sa mga naturang proyekto.
Ilan sa kanila aniya ay nangakong magpapadala ng mga hawak na ebidensiya oras na masimulan na ang pagsisiyasat, habang ang iba ay nangako ring tutulong sa pangangalap ng iba pang impormasyon.
Ang ilan sa kanila aniya ay may hawak na digital copies at handang ipakita sa publiko, sa tamang panahon at tamang forum.
Bagaman maituturing pa lamang bilang lead ang mga naturang impormasyon at kailangan pa ng masinsinang evaluation, siniguro ng dating heneral na ang mga ito ay pawang ‘credible’ at dapat pag-ukulan ng pansin sa isang imbestigasyon.
Si Magalong ang isa mga nagbunyag sa umano’y 25% hanggang 35% na tinatapyas ng ilang kongresista atbpang government officials mula sa pondong nakalaan sa mga flood control infrastructure.
Nangyayari ito aniya dahil sa sabwatan sa pagitan ng mga naturang opisyal, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways, at contractors ng mga pampublikong proyekto.