LAOAG CITY – Ini-release na ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa bayan ng Bangui, Ilocos Norte ang apat na heavy equipments na naunang naipakustudiya dahil sa illegal quarrying sa Banban River.

Kasama sa mga naipakustudiya ay tatlong dumptruck at isang backhoe kung saan ang may-ari ng mga ito ay si Larry Sunga.

Ayon kay forester Mark Rowell Juan, focal person ng CENRO Bangui, nirentahan ng lokal na gobyerno ng nasabing bayan ang mga nagamit na heavy equipment para sa isang proyekto nila sa sanitary landfill.

Sinabi niya na wala ni sinuman ang pumasok sa quarry site.

Aniya, mayroon ding naipakitang permit sa CENRO.

Una nang nagreklamo ang may-ari ng quarry site na si sangguniang bayan member Joey Soriano sa CENRO dahil sa pagpasok umano ang mga heavy equipment sa nasabing lugar para magsagawa ng quarry operation.