-- Advertisements --

Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na mayroong ilang mga mambabatas na sangkot sa flood control projects anomaly ang nais na lamang manahimik ukol sa isyu ng korapsyon. 

Ayon kay Ombudsman Remulla, may nagpaabot sa kanya ng impormasyon na may mga kongresista na bukod sa nais manahimik ay handa umanong magsaoli ng mga nakamal na yaman mula sa nakuhang mga proyekto. 

Pangako daw aniya ng mga ito na hindi na nila gagawin ulit ang pananamantala sa pondo ng bayan kung saan sila nakinabang bilang tinaguriang mga ‘congtractors’ o congressman na, contractor pa. 

“May mga congressman daw na gusto lang nilang manahimik. At ah di’ na nila gagawin ulit, magsasauli pa sila sa mga contracts na kung saan nag-congtractors sila,” ani Ombudsman Jesus Remulla.

Dagdag pa rito’y ibinahagi din ni Ombudsman Remulla na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang kaibigan na mayroon umanong isang mambabatas na nais maglahad ng buong nalalaman ukol sa kontrobersiya.

Aniya’y dati itong kongresista mula sa lungsod ng Quezon na handang isiwalat ang lahat pati mga kalakaran sa maanomalyang mga proyekto. 

Bahagi sa kanyang kagustuhan mag-tell all sa Ombudsman, magtuturo raw ang naturang dating kongresista ng ilang mga personlidad na dawit din sa kontrobersiya.

Buhat nito’y inihayag ni Ombudsman Boying Remulla na nakatakda siyang makipagpulong sa Sandiganbayan sa susunod na linggo. 

Layon aniya sa magaganap na pag-uusap ang matalakay ng tuluyan ang magiging mechanics ng ‘restitution’ o ang pagsasaoli ng mga nakuhang nakaw na yaman. 

Aminado siyang ang pagsasagawa ng ‘restitution’ ay di’ maaring gawin tangi lamang ng Ombudsman bagkus kinakailangan kasama pati ang korte o ng hudikatura.

“I expect to have a dialogue with the presiding justice again on Monday… We’re also trying to lay down the mechanics for restitution,” ani Omb. Remulla.