ILOILO CITY- Lubog sa tubig-baha ang ilang bayan sa lalawigan ng Iloilo dahil sa walang humpay na pag-ulan.

Ito ay kinabibilangan ng bayan ng San Enrique, Lemery,Sara, Banate, at Passi City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Jon Aying ng Sara, Iloilo, sinabi nito na limang barangay ang apektado sa kanilang bayan kung saan daan-daang mga residente ang na-evacuate.

Sa bayan ng San Enrique, Iloilo, isang bahay naman ang inanod dahil sa malakas na pagragasa ng tubig.

Stranded naman ang mga sasakyan sa nasabing mga bayan dahil sa abot-balikat na lebel na tubig-baha sa mga kalsada.

Apektado naman ang byahe papuntang Capiz at Aklan mula sa Iloilo matapos pansamantalang ipinasara ang kalsada sa Barangay Sarapan, Passi City dahil sa mataas pa rin na lebel ng tubig baha.