KALIBO, Aklan – Isang Igorot na pulis ang namamahala ngayon bilang bagong hepe ng Malay Police Station na siyang may hurisdiksyon sa bantog na isla ng Boracay.

Si Lt. Col. Jonathan Pa-ac Pablito ang pumalit kay Major Jess Baylon.

Si Baylon ay pansamantalang nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng Police Regional Office (PRO-6) sa Iloilo City matapos manilbihan sa Malay PNP sa loob ng limang buwan simula noong Hunyo 2019.

Dati rin siyang naka-assign sa PRO-6 bilang aide-de-camp ni dating regional director Brig. Gen. John Bulalacao, dalawang taon na ang lumipas.

Samantala, si Lt. Col. Pablito ay dating station commander ng Iloilo City Police Station 1 at naging hepe rin ng Strategy Review Branch ng Regional Police Strategy Management Unit sa Iloilo na namahala sa pagpapatupad ng PNP Patrol Plan 2030.

Balak ni Pablito na ipatupad ang internal cleansing at SMART policing sa bagong assignment.

Kasama aniya rito ang paglalagay ng mga CCTV cameras sa Boracay at pagtatayo ng command center laban sa kriminalidad at agad na makaresponde sa anumang emergencies.