Naglabas ngayong araw ng imbitasyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) para paharapin si dating House Speaker Martin Romualdez sa komisyon para ibahagi ang nangyari sa budget insertions at Department of Public Works and Highways (DPWH) flood control projects sa panahon ng kanyang panunungkulan. Samantala, si dating Rep Zaldy Co naman ay pina-subpoena na ng komisyon upang humarap din hinggil naman sa kanyang nalalaman bilang dating Chairman ng House Committee on Appropriations.
Ayon ICI Spokesperson Brian Keith Hosaka, kapag hindi pumunta, posibleng magpatulong na sa korte upang ipa-contempt ang mga indibidwal dahil sa kasalukuyang wala silang kapangyarihan para rito. Sa Oktubre 14, 2025 nakatakdang humarap ang dalawang indibidwal.
Samantala, sa kaugnay na balita tiniyak ng komisyon na magpapatuloy ito sa pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga iregularidad sa mga flood control project ng pamahalaan, sa kabila ng kawalan nito ng kapangyarihang mag-cite ng contempt sa mga taong iniimbestigahan.
Ayon kay Hosaka, bagaman nagrerekomenda lamang ang kapangyarihan ng komisyon, aktibo pa rin nitong iniimbestigahan ang mga posibleng sangkot sa korapsyon.
Aniya, layunin ng ICI na makamit ang katotohanan at hindi magamit ang proseso para sa pulitikal na interes. Sa halip na livestream, naglalabas na lamang ng mga larawan mula sa loob ng pagdinig ang komisyon bilang bahagi ng transparency.