Isinumite na ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) ang 139 na piraso ng ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity bunsod ng kanyang kontrobersyal na ‘war on drugs.’
Ayon sa dokumentong may petsang Mayo 5, isinumite ni ICC Prosecutor Karim Khan ang ebidensya noong Abril 30 sa ICC Pre-Trial Chamber 1 kung saan nahati ito sa apat na kategorya: elemento ng kanyang kaso, mga anyo ng pananagutan, pagpatay noong siya’y alkalde pa, at pagpatay sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang pangulo.
Una nang iniulat na batay sa datos ng gobyerno, nasa 6,200 ang napatay sa anti-drug operations noong kanyang administrasyon. Ngunit ayon sa mga human rights group, maaaring umabot pa ito sa 30,000 bilang dahil sa mga hindi naiulat na kaso.
Samantala, ibinasura rin ng Pre-Trial Chamber ng ICC na pirmado ni Presiding Judge Iulia Antonella Motoc ang apela ng kampo ni Duterte na huwag payagang magdesisyon ang dalawang judges tungkol sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang kaso. Ayon sa korte, tanging ang mismong hukom lamang ang puwedeng humiling ng excusal, hindi ang alinmang partido ng dating Pangulo.
Si Duterte nga ay nasa kustodiya parin ng ICC sa The Hague, Netherlands at nakatakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, 2025.