-- Advertisements --

Walang ibang natutuwa sa sagutan nina Pangulong Rodrigo Duterte at retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa issue West Philippine Sea (WPS) kundi ang China lamang, ayon kay Integrated Bar of the Philippines (IBP) chairman Domingo Cayosa.

Sinabi ni Cayosa na ang China lamang ang “tuwang-tuwa” kung nag-aaway ang mga lider ng bansa at watak-watak ang iba’t ibang sektor kaugnay sa mga kaganapan sa WPS.

Ginawa ito ni Cayosa matapos na tanggapin ni Caprio ang hamon sa kanya ni Duterte na debate sa issue sa WPS, partikular na ang hinggil sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa Hague na pumabor sa Pilipinas kaysa China.

Subalit naniniwala si Cayosa na kung mas mainam na magkaroon muna nang pag-uusap ang dalawa bago pa man magdebate ang mga ito sa harap ng publiko para maiwasan ang politika at hindi pagkakaintindihan.

Bagama’t totoo aniyang maraming makukuhang aral sa inaasahang debate na ito, sinabi ni Cayosa na sa huli ang China lamang ang “tuwang-tuwa” dahil habang nag-aaway ang mga Pilipino eh ang mga Chinese naman “unified” ang intensyon na angkinin ang dapat sa Pilipinas.