Binatikos ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) matapos igawad ng Davao City chapter nito ang “Golden Pillar of Law” award kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang humaharap sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague dahil sa crimes against humanity.
Ayon sa IBP national office, rerepasuhin nila ang mga panuntunan sa pagbibigay ng parangal upang matiyak na ang mga susunod na pagkilala ay sumasalamin sa integridad ng serbisyo at katapatan sa para sa katarungan.
Paliwanag ni IBP communications director Katrina Mordeno, ang parangal ay hindi nangangahulugang pagsuporta o moral absolution para kay Duterte, kundi pagkilala lamang aniya sa mahigit 50 taong serbisyo sa propesyon ng dating pangulo.
Gayunman, aminado si Mordeno na nauunawaan ng IBP ang moral concern ng publiko, dahil sa mga akusasyong paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
Sa kabila nito, iginiit ng IBP Davao City Chapter na ang parangal ay “hindi pag-endorso ng personal na ideolohiya o gawaing politikal,” kundi simpleng pagkilala sa propesyonal na katayuan ng mga abogado sa “good standing.”