Inirekomenda ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Allan Panolong sa Philippine government ang pagpasok sa long-term diplomatic relationship, kasama ang Portugal kung nais ng pamahalaan na tuluyang maaresto ang high-profile fugitive na si Zaldy Co.
Ito ay sa gitna ng kawalan ng extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Portugal, para sana maaresto at maibalik sa Pilipinas ang pugante, na ilang buwan nang pinaniniwalaaang naroon.
Ayon kay Panolong, sa pamamagitan ng akmang diplomatic channel sa pagitan ng dalawang bansa ay maaaring kausapin ng PH government ang Portugese authorities upang tumulong sa paghahanap at pag-aresto sa nagtatagong dating mambabatas.
Sa pamamagitan din ng maayos na diplomatic channel aniya, tiyak na magkakaroon ng palitan ng sapat na impormasyon sa iba’t-ibang larangan, tulad ng crime prevention.
Naniniwala rin si Panolong na bukas ang pamahalaan ng Portugal na makipag-usap sa gobiyerno ng Pilipinas ngayon at mayroon nang red notice request na isinumite ng Pinas sa International Criminal Police Organization.
Sa kasalukuyan, kanselado na ang pasaporte ni Zaldy Co, habang mayroon na ring arrest warrant na inilabas laban sa kaniya.
Naniniwala si Panolong na ang pagka-kansela sa passport ni Co ay sapat na dahilan na upang paalisiin ng Portugeses government ang naturang pugante, bilang undesirable alien, kung nanaisin lamang ng pamahalaan ng naturang bansa.















