-- Advertisements --

Nakiisa rin ang ilang grupo ng mga Pilipino sa Netherlands sa anti-corruption protests nitong Linggo, Nobiyembre 30 kasabay ng Trillion Peso March 2.0 sa Pilipinas.

Kabilang sa mga grupo ng mga migrante na nakilahok ay ang Duterte Panagutin Network, Migrante Netherlands, Pinay in Holland-GABRIELA, kasama ang iba pang dutch nationals na nagtipon sa harap ng Utrecht Central Station.

Sigaw ng mga ito ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsiyon.

Ayon sa convenor ng Duterte Panagutin Network na si Icai Enriquez, ito ay hindi tungkol sa kulay ng politika o kung sino ang binoto noong eleksiyon, kundi ito ay isyu para sa lahat ng Pilipino na ninakawan ng mga buwis at serbisyo na nagresulta sa pagkamatay dulot ng mga pagbaha bilang bunga ng korapsiyon.

Nagpahayag naman ng lungkot si Bayan International officer Andan Bonifacio dahil ang remittances na ipinapadala nila ay ninanakaw lamang. Ang kanilang suporta para sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas at para sa mga naapektuhan ng mga kalamidad ay ang mga pondo aniyang ninakaw.

Ilang Dutch natioanls na suportado ng Pinay sa Holland-Grabriela group ang nakiisa rin bitbit ang mga banner na may nakasulat na walang pinagkaiba ang Marcos at Duterte.

Samantala, sa Sydney, Australia, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan Australia ang protesta sa may Sydney Town Hall at nagtapos sa pamamagitan ng militant cultural performance sentro ang effigy nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at VP Sara Duterte na may nakasulat na “RESIGN”.

Nanawagan ang grupo sa pagbibitiw ng dalawang mataas na opisyal ng Pilipinas dahil sa pagkakadawit umano sa iba’t ibang corruption scandals at nanawagan sa pagtatatag ng isang National Transition Council na kapareho sa ipinapanawagan ng mga grupo dito sa Pilipinas.