Hindi pa ganap na ligtas sa kaso ang mga opisyal ng Department of Health (DoH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi nakasama sa unang mga pinangalanan para sampahan ng demanda.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, nagkataon lang na tumutok ang isyu sa ilang usapin, ngunit may mas malawak pa silang tinitingnang anggulo sa usapin.
Kasama sa mga inirerekomindang kasuhan ng malversation of funds si PhilHealth President/CEO Ricardo Morales at iba pang malalaking opisyal ng government corporation.
Sinabi ni Lacson na kabilang sa mga kasong ihahain pa sa mga ito ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, National Internal Revenue Code at perjury.
Maliban kay Morales, tinukoy din sa kakasuhan sina Fund Management Sector senior vice president Renato Limsiaco Jr., senior vice president at chief information officer Jovita Aragona, maging si senior ICT officer Calixto Gabuya Jr.
Sinabi pa ng mambabatas na malinaw sa Senate investigation na ginawa ng mga nasabing opisyal ang pagwaldas ng pondo nang pinairal ang interim reimbursement mechanism (IRM) at hindi sinunod ang circular order na nakakasakop dito.
“Ang maliwanag na maliwanag, malversation of public funds and property pero alisin natin ang property kasi pondo pinaguusapan dito. Ang cite natin sa hearing, Art 217, Act 3815, RPC yan. Napakadaling, nang binasa namin ang provision sa 217, napakadaling i-prosecute at napakahirap i-defend. Malversation kasi lumalabas nabanggit mo kanina, di pa effective ang implementation ng IRM, namigay na sila ng pera, umabot na ng P14.9B ang naipamigay. Sa mismong IRM circular, 2020-0007, ang Article 8 doon, ang date of effectivity after publication sa newspaper of general circulation AND pagbigay ng kopya sa Office of National Administrative Register, sa UP Law Center. E June 11 nakalagay roon,” wika ni Lacson.