Col Allen Rae Co
Col Allen Rae Co

BAGUIO CITY – Iimbestigahan lamang ng Baguio City Police Office (BCPO) ang iba pang kaso ng pagmaltrato sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) kung maidudulog ang mga nasabing kaso sa kanilang himpilan.

Sinabi ni BCPO director Col. Allen Rae Co na sa ngayon ay nakatutok sila sa kaso ng pumanaw na si Cadet 4CL Darwin Dormitorio.

Aniya, kung may iba pang mga kadete na namaltrato at nagtamo ng mga sugat ay ibang kaso ang mga ito sa kaso ni Dormitorio.

Nirerespeto nila aniya ang PMA at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsimula nang mang-imbestiga sa iba pang mga kaso ng pagmaltrato sa loob ng akademya.

Sinabi niya na may inspector generals ang PMA at AFP na siyang tututok sa mga nasabing iba pang mga kaso.

Gayunman, inihayag ni Co ang kahandaan nilang magsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon sa iba pang mga kaso ng pagmaltrato sa loob ng akademya kung sakaling magreklamo ang iba pang mga biktimang kadete sa himpilan ng BCPO-Station 4.

Aniya, ang PMA ay sakop ng hurisdiksiyon ng BCPO-Station 4.

Una nang sinabi ni Co na madaragdagan pa ang mga kasong kakaharapin ng ilan sa mga suspek na kadete sa pagmaltrato kay Dormitorio.

Aniya, ang mga karagdagang kaso ay isasampa ng ilan pang kadete na minaltrato din ng ilan sa mga suspek, kung saan ang mga biktima ay mga kasamahang plebo ni Dormitorio.

Napag-alaman na isa sa mga biktima ang roommate ni Cadet Dormitorio na nagsisilbing witness sa kaso ng pumanaw na kadete.