-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tinawag ng isang arsobispo ng makapangyarihang Simbahang Katolika na mga erehe ang bumubuo ng Inter-Agency Task Force (IATF) national na nasa likod ng mga hakbang kung paano nilalabanan ang laganap na Coronavirus Disease 2019 sa bansa.

Ito ay matapos kinuwestiyon ni Ozamiz City Archbishop Martin Jumuad na permanent member ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang tila hindi patas na mga hakbang ng gobyerno kaugnay sa dala na epekto ng pandemya sa Pilipinas.

Inihayag ni Jomuad na tila pangalawang prayoridad na lamang ng gobyerno ang simbahan at hindi kinonsulta sa kanilang mga ginawa na hakbang ukol sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.

Partikular na tinukoy ng arsobispo ang pagpapabukas ng Boracay Island para sa mga turista subalit nilimitahan naman ang mga mananampalataya na makapasok ng mga simbahan na kinakailangan sana ng masyado nitong krisis.

Hindi umano maiintindihan ni Jomuad na bakit hindi nakonsulta man lamang ang taga-simbahan katulad sa bagong kautusan ng IATF na isasara para sa publiko ang pagdalaw ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 nitong taon.

Ito ang dahilan na tinawag ng arsobispo na mga erehe umano ang bumubuo ng IATF lalo pa’t malaking porsyento ng mga tao sa bansa ay nagmula sa pananampalatayang Katoliko.