-- Advertisements --

Hati ang reaksyon ng fans ni Nora Aunor at kanyang mga anak kaugnay sa sumiklab na sigalot sa kanilang pamilya, ilang araw bago ang Pasko.

Marami ang naghahangad na nawa’y magkaayos ang tinaguriang Superstar at kanyang celebrity son na si Ian de Leon, ngunit may mga duda rin kung pakulo lang ba ito kasabay ng ilulunsad na vlog (video blog) ni ate Guy.

Si Ian ay anak ng 67-year-old singer sa kapwa veteran actor at dating asawa nito na si Christopher de Leon.

Habang adopted o ampon nito sina Lotlot at Matet kasama ang dalawang iba pa.

Sa ngayon ay nagpahayag ng suporta kay Ian sina Matet at Lotlot sa gitna ng pag-ani ng batikos matapos isnabin ang inihandang party ni Nora para sana sa kanyang 45th birthday.

Una nang naging emosyonal si Ian kasabay ng pagbunyag na nasaktan kasi ito sa hirit ni Nora na isasama pala sa kanyang vlog ang magiging pagkikita nila.

Para sa aktor, natuwa na sana siya noong mag-reach out ang ina matapos ang mahabang panahong hindi pag-uusap ngunit hindi akalain na magiging bahagi pala ng vlog ang dapat na private moment lang ng kanilang pamilya.

Para kay Matet, mahal daw nito ang kanyang kuya Ian habang si Lotlot naman ay umapela sa publiko na huwag basta magkomento sa mga isyu na hindi alam ang buong kuwento.