-- Advertisements --

Umani ng atensyon online ang post ni Matet de Leon matapos magbahagi ng isang makahulugang mensahe kaugnay ng isyu ng mana, ilang araw matapos igiit ng kanyang kapatid na si Ian de Leon na siya ang nag-iisang legal na tagapagmana ng kanilang ina na si National Artist at Sperstar Nora Aunor.

Sa isang Facebook post noong Abril 21, ibinahagi ni Matet ang larawan nila ng kanyang mga kapatid na sina Lotlot de Leon, Kiko, at Kenneth de Leon mula sa isang kasal. Nilagyan niya ito ng caption na tila patama sa isyu ng mana.

“Eto nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?” ani Matet sa kanyang post na mabilis kumalat online.

Lumabas ang naturang pahayag kasunod ng naunang panayam kay Ian, kung saan sinabi niyang siya lang ang nag-iisang legal na tagapagmana, bagamat hindi umano nito inaalis ang papel ng kanyang mga kapatid na ampon ng Superstar.

Samantala, noong unang anibersaryo ng pagpanaw ni Nora, nilinaw ni Lotlot sa pamamagitan ng kanyang abogado na wala siyang kinalaman sa ilang proyektong ginawa ni Ian, kabilang ang isang korporasyon at foundation para sa kanilang ina.

Ayon sa kanyang kampo, hindi siya nakonsulta sa pamamahala ng ari-arian at matagal na rin silang walang komunikasyon ni Ian.

Kapansin-pansin din na hindi dumalo sina Matet at Lotlot sa ginanap na paggunita na inorganisa ni Ian, na dinaluhan ng mga tagahanga ni Nora na kilala bilang “Noranians.”

Sa halip, nagsagawa sila ng hiwalay at mas pribadong misa kasama ang ilang kapamilya at si Maricel Soriano na kilalang malapit na kaibigan ng yumaong aktres.

Sa kabila nito, ibinahagi ni Matet na binisita pa rin niya ang puntod ng kanyang ina sa Libingan ng mga Bayani. Gayunman, sinabi niyang nakaranas siya ng batikos online, kaya’t balak na lamang nilang bumisita sa ibang araw upang maiwasan ang isyu.