-- Advertisements --

Hindi napigilan ng actress na si Lotlot de Leon ang kanyang emosyon nang diretsahan niyang sinagot ang kapatid na si Ian de Leon kaugnay ng umano’y maling pahayag nito tungkol sa naiwang ari-arian ng kanilang ina, ang yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor.

Sa story conference ng pelikulang “40 Days,” mariing itinanggi ni Lotlot ang alegasyon na siya at ang iba pa nilang mga kapatid na sina Matet, Kenneth, at Kiko ay may interes sa anumang ari-ariang naiwan ng batikang aktres.

Ginawa ni Lotlot ang pahayag matapos ang naging panayam ni Ian kay Boy Abunda, kung saan sinabi nitong naipabatid umano sa kanyang mga kapatid ang plano na bumuo ng isang one-person corporation (OPC) na hahawak sa pamana at legacy ni Nora.

Nabatid na si Ian ang itinalagang mamuno sa naturang korporasyon bilang legal heir, habang hindi kabilang ang kanyang mga kapatid na ampon ng kanyang ina.

“Enough! Enough with the lies! Tahimik ako, tahimik si Matet, si Kiko at si Ken. Wala na kaming sinasabi, and then you go out of a TV show and tell everyone na sinabi mo sa amin, which is not true,” emosyonal na pahayag ni Lotlot.

Hindi rin napigilan ng aktres ang maluha habang inaalala ang relasyon nila ni Ian at ang bilin sa kanya ng kanilang ina.

“And it pains me so much kasi tinuring ko siyang kapatid. Inalagaan ko siya bilang kapatid. Binilin sa akin ng nanay ko,” wika pa ng aktes.

Bago maglabas ng kanyang saloobin, humingi muna ng paumanhin si Lotlot sa direktor ng pelikula na si Louie Ignacio at sa kanyang mga kasamahang artista na sina Dina Bonnevie, Snooky Serna, Elizabeth Oropesa, Lloyd Samartino, at iba pa dahil sa pagtalakay niya sa personal na usapin sa gitna ng event.

Ayon kay Lotlot, siya pa mismo ang lumapit kay Ian noong ika-40 araw matapos pumanaw si Nora Aunor upang pag-usapan ang posibilidad ng pagbuo ng isang korporasyon na mangangalaga sa naiwang legacy ng kanilang ina.

Aniya, hindi ito para sa personal na kapakinabangan kundi upang maipagpatuloy ang adbokasiya ni Aunor na tumulong sa mga nangangailangan.

Mariin din niyang pinabulaanan ang mga paratang na may interes sila sa mana ng Superstar.

“Mana? Wala namang mana. Ang naiwan lang ay yung mga lupa sa Bicol. At kung mayroon man, sa kanya na lahat. Wala kaming hinihingi. He can have it all,” ani Lotlot.

Dagdag pa niya, higit pa sa anumang materyal na bagay ang kanyang ipinagpapasalamat sa yumaong aktres.

“Sapat na sa akin na matawag kong mommy si Nora Aunor, na mapalaki ng isang Superstar,” maluhang pahayag ni Lotlot.