Tila hindi nagustuhan ni Ian de Leon ang mga pahayag ng kanyang kapatid na si Lotlot de Leon tungkol sa umano’y hindi pagkakaunawaan ng pamilya hinggil sa ari-arian at pagpapanatili ng alaala ng kanilang yumaong ina na si Superstar at National Artist Nora Aunor.
Sa sunod-sunod na Facebook stories, sinagot ni Ian ang mga alegasyong ibinahagi ni Lotlot sa story conference ng nalalapit niyang pelikulang “40 Days.”
Dito ay itinanggi ni Lotlot na may kinalaman sa mana ang hindi pagkakaunawaan ng kanilang pamilya.
Iginiit din niya na may mga pahayag umano si Ian na hindi naman totoo tulad nang hindi pag-sabi sa kanilang magkakapatid na sina Matet, Kenneth, at Kiko, ang pagtatayo ni Ian ng one-person corporation (OPC) na hahawak sa pamana at legacy ni Nora Aunor.
Bilang tugon, bumuwelta si Ian at sinabi na hindi siya tutol sa pagtatayo ng isang foundation para kay Nora Aunor, ngunit mas nais niyang maayos muna ang mga legal na dokumento bago ito buksan.
“After Mom died, nagmadali kayo magtayo ng foundation kase baka maunahan ng iba? You think SEC will approve random people to put up a foundation using mom’s name?
“That time, I said I’m not ready to commit dahil gusto kong ayusin muna nila yung legal papers niyan.
“I know the plans and my suggestion to them is that fix the legalities first before launching it,” pahayag ni Ian sa kanyang mga stories.
Nandoon rin umano ang kanyang mga kapatid nang ipaaalam niya ang tungkol sa bubuksang foundation. Itinanggi niya rin ang alegasyong hindi niya sila isinama o ipinaalam ang naging plano niyang magtayo ng corporation.
Tungkol naman sa usapin ng mana, sinabi ni Ian na matagal na niyang ipinaliwanag sa pamilya na may proseso at panahon na kailangang sundin sa pag-aayos ng estate ng kanilang ina. Dagdag pa niya, patas umanong hahatiin ang anumang maiiwan para sa kanyang mga kapatid.
“I will not allow anyone to put Matet down, to put Kiko down, to put Ken down, and to say all these lies ‘coz it’s not true!”
Banat pa ni Ian: “Who put down the siblings? Did you even watch the whole show before reacting?
“Kayo lang ba pwede magpa-interview? I don’t go out just like that. It’s for Father’s Day episode.
“Enough with the lies? You stop. You stop telling lies especially to my dad.”
Mariin ding itinanggi ni Ian na may intensyon siyang ipagkait sa kanyang mga kapatid ang anumang karapatan nila sa naiwang ari-arian ng kanilang ina.
“After the state funeral, when 5 of us are talking, I was clear that I told you guys na tulong tulong tayong lima dito at maging transparent sa isa’t isa and everything will take time and everything will be equally divided pero ang pinalabas is madamot ako. Why?”















