Nilinaw ng aktres na si Matet de Leon ang kanyang naging viral na Facebook post na umani ng atensyon online matapos maglabas ng makahulugang mensahe tungkol sa kanilang pamilya.
Sa naturang post kasi, ibinahagi ni Matet ang larawan nila ng kanyang mga kapatid na sina Lotlot de Leon, Kenneth de Leon, at Kiko de Leon na pawang inampon ng yumaong National Artist at Superstar Nora Aunor.
“Post ko lang uli. Ito nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?” ayon sa caption na nag-viral sa social media.
Sa kanyang panayam sa kay Boy Abunda, nilinaw ni Matet na ang naturang post ay patama lamang umano sa mga bashers na paulit-ulit na ibinabato ang usapin ng “mana” sa kanilang pamilya.
Ayon sa aktres, madalas silang nakakatanggap ng negatibong komento tungkol sa kanilang karapatan sa mana at sa kanilang pagiging ampon, bagay na aniya ay nakakasakit lalo na habang sila ay patuloy na nagluluksa sa pagpanaw ng kanilang ina.
“Hindi po namin iniisip ang mana na ‘yan… wala kaming hinihingi, wala kaming kine-claim,” giit niya.
Dagdag pa niya, hindi dapat ginagamit ang isyu ng mana bilang pang-ookray sa kanila dahil hindi madaling proseso ang pagluluksa, at hindi ito natatapos sa loob lamang ng isang taon.
Humingi rin si Matet ng respeto hindi lamang para sa kanyang sarili kundi pati na rin sa kanyang mga kapatid, na aniya ay nakatatanggap din ng masasakit na salita sa social media.
Binatikos din niya ang mga netizen na tinatawag ang kanyang mga kapatid ng derogatory labels, at iginiit na hindi ito makatarungan lalo na’t hindi naman sila public figures.
Samantala, inamin din ni Matet na hindi niya alam kung may iniwang last will and testament si Nora Aunor, at hindi na rin niya ito iniimbestigahan.














