Nagbigay ng senyales ng posibleng pagkakaayos nina Ian De Leon at Matet De Leon matapos ang naging tampuhan kaugnay ng usapin sa naiwang ari-arian ng kanilang yumaong ina na si National Artist at Superstar Nora Aunor.
Sa isang Facebook post nitong Martes, ibinahagi ni Ian na nagkaroon sila ng magandang pag-uusap ni Matet.
Nagpasalamat siya rito at ipinahayag ang hangarin na patuloy na pagpalain ang kanilang pamilya.
Samantala, noong Lunes ay nagbahagi rin si Matet ng lumang larawan nila ng kanyang mga kapatid na sina Ian at Lotlot De Leon kasama ang kanilang ina. Kalakip ng larawan ang maikling mensaheng, “We miss you Ma.”
Matatandaang naging laman ng balita ang magkapatid matapos magsalita si Matet tungkol sa isyu ng mana.
Iginiit niyang isang panig lamang ang narinig ng publiko at pinabulaanan ang mga paratang na inaangkin nila ang ari-arian ng kanilang ina.
Hinamon din niya si Ian na ilahad ang kabuuang pangyayari, kabilang ang sarili nitong pagkukulang.
Sa isang panayam naman noong Hunyo, inamin ni Ian na may hindi pagkakaunawaan sa kanilang pamilya, ngunit umaasa siyang maaayos din ito sa tamang panahon.
Ipinaliwanag din niya ang pagtatatag ng isang one-person corporation na layong pangalagaan ang pamana at legado ni Nora Aunor, kung saan nais din niyang maisama ang kanyang mga kapatid.
Nauna ring nilinaw ni Lotlot De Leon na wala siyang hinahabol na mana mula sa kanilang ina.
Pumanaw si Nora Aunor noong Abril 16, 2025 sa edad na 71. Kinilala siya bilang National Artist for Film and Broadcast Arts at nananatiling isa sa mga pinakatanyag at hinahangaang aktres sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.
















