ACT CIS party list Rep Eric Yap
ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap/ FB image

Inirekomenda ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap na payagan ang mga pulis na magsagawa ng random check para sitahin ang mga dayuhang lumalabag sa immigration o labor laws ng Pilipinas.

Naniniwala si Yap na makakatulong ang hakbang na ito para mapigilan ang mga dayuhan na gumawa ng kalokohan sa bansa katulad na lamang ng overstaying o pagtatrabaho na walang employment permits.

Wala naman aniyang dapat na ikabahala rito kapag palagi naman dala-dala ng mga dayuhan ang kanilang mga passports at kopya ng permits, katulad ng ginagawa ng mga Pilipino kapag nasa abroad.

Katulad ng ginagawa ng mga pulis sa ibang bansa, may otoridad ang mga ito na tingnan ang mga dokumentong hawak ng mga Pilipino at iba pang dayuhan.

“It is an anti-crime measure and I don’t see any reason why it should be practiced here as well”, ani Yap.

Naniniwala si Yap, chairman ng House Committee on Games and Amusements, na makakatulong ang random check sa kampanya kontra foreign workers na nagtatrabaho ng iligal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) industry.