Binatikos ni Atty. Ariel Inton, tagapagsalita ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, ang ilang mga ahensya ng gobyerno na nagpapakita ng maliit na pagpapahalaga sa mga ginawang tigil-pasada ng mga transport group.
Ito ang naging komento ng grupo kasunod na rin sa pahayag ng ilang ahensya na umano’y ‘minimal’ lamang ang naging epekto sa unang araw ng kamakailang transport strike .
Sa eksklusibong panayam sa Star FM Cebu, sinabi ni Inton na ang hakbang na ito ng transport sector ay isang paraan upang iparating ang kanilang mga hinaing laban sa malawakang korapsyon na nangyayari sa gobyerno, at hindi ito dapat maliitin.
“Ang kanilang ginawa ay para ilahad nila, makiisa sa mamamayan upang malaman nila na ang transport sector ay kaisa nila laban sa korapsyon,” ani Inton.
Ayon pa sa kanya, ang mga proyekto tulad ng flood control na substandard ang kalidad, ay may mas malaking epekto sa mga commuters kaysa sa isa o dalawang araw na tigil-pasada.
Binigyang-diin ni Inton na marami sa mga pasahero ang na-stranded at nawalan ng pagkakataon para makapasok sa trabaho dahil sa mga hindi maayos na proyekto ng gobyerno, at mas maraming drivers at operators ang nawalan ng kabuhayan dulot ng hindi tamang polisiya.
Pinuri naman nito ang mga transport group sa kanilang mapayapang pagpapahayag, at binigyang-diin na ang kanilang layunin ay hindi upang abalahin ang mga pasahero, kundi upang maiparating ang kanilang panawagan hinggil sa patuloy na mga isyu ng korapsyon sa bansa.
“Wag sanang maliitin ng ilang ahensya ng pamahalaan ang kanilang ginawa. Sama-sama po tayo na labanan ang korapsyon,” dagdag ni Atty. Inton.