Matapos ang matinding paghagupit sa bansang Jamaica, tinatahak naman ngayon ng Hurricane Melissa ang isa pang bansa sa Carribean na Cuba.
Sa panibagong update mula sa US National Hurricane Center, muling lumakas ang hurricane Melissa sa Category 4 kayat inaasahang tatama ito sa Cuba bilang “extremely dangerous major hurricane” sa susunod na mga oras.
Kaugnay nito, inaasahang maapektuhan ang limang eastern provinces kung saan inilagay na sa ilalim ng hurricane warning advisories ang Granma, Santiago de Cuba, Guantanamo, Holguin at Las Tunas provinces.
Samantala, kinumpirma ni Cuba President Miguel Díaz-Canel Bermúdez na mahigit 735,000 katao na ang inilikas sa kanilang bansa dahil sa hurricane Melissa.
Ilan sa mga lugar sa Cuba na nagsagawa na ng evacuations ay sa mga bulnerableng lugar kabilang na ang mga malapit sa dams at flood zones gayundin ang mga bulubunduking rehiyon na delikado sa mga pagguho ng lupa.
Ang Hurricane Melissa ang itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa Carribean sa modern history.
Samantala, sa panig ng Amerika, tiniyak ni US President Donald Trump na nakahanda silang tumulong kung kakailanganin.
Sa kaniyang pagbiyahe patungong South Korea ngayong araw, sinabi ng US President na nakaposisyon ang Amerika para magpadala ng tulong sa Jamaica na matinding sinalanta ng hurricane matapos magdulot ng malawakang mga pagbaha.















