-- Advertisements --
Duterte

Hindi kumbinsido ang Human Rights Watch (HRW), isang international group mula New York, sa naging pahayag ni President Rodrigo Duterte na ipinag-utos umano nito ang imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJKs) na nangyari sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Ayon kay Phil Robertson, deputy director ng HRW sa Asia, wala umanong basehan ang sinabi ni Duterte na ang libo-libong namatay dahil sa EJK simula 2016 ay dahil sa girian sa pagitan ng mga sindikato sa droga.

Bukod dito, hindi rin aniya isinapubliko ang sinasabi ni Duterte na pinagawa nitong imbestigasyon bagkus ay pinagbawalan nito na pumasok sa Pilipinas ang ilang experienced international investigators tulad ni UN special rapporteur on extrajudicial killings na si Agnes Callamard.

Magugunita sa isinagawang address to the nation ng pangulo noong Lunes, sinabi nito na iniutos nito ang imbestigasyon sa EJK dahil nababahala umano ito.

Batay daw kasi sa impormasyon na ipinarating sa kaniya, isinisisi ang pagpatay sa mga drug syndicates na sinusubukang kontrolin ang isang teritoryo.

Binigyang-diin pa ng pangulo na kailanman at hindi sangkot sa malagim na pagpatay ang mga otoridad.